AP 9 - PRODUKSIYON AT KONSUMISYON
“Be present in all things and be thankful for all things.” - Maya Angelou. Tayong lahat ay dapat matutong magpasalamat sa mga bagay na nasa atin lalo na kung mayroon tayong bahay na masisilungan at pagkain na nakakain nang tatlong beses sa isang araw. Hindi lahat ng bata ay mayroong pribilehiyo at oras na matamasa ang kanilang pagiging bata, dahil ang iba ay kinakailangang magtrabaho upang matulungan ang kanilang mga pamilya. Dapat nating mabatid at tanggapin na tayo ay swerte sa buhay. Naniniwala ako na ang bawat tao ay dapat matutong umintindi at timingin sa kanilang mga sarili upang maikumpara ang estado ng bawat buhay ng isang tao sa kasalukuyang lipunan.
Ang mga pamilya at tao sa video ay naghihirap at nagdudulot ng mga problema sa kalusugan ng kanilang mga anak dahil palagi na lang sila kumakain ng kamote. Ang kanilang mga anak ay nagkaroon ng sakit na tinatawag na Kwashiorkor dahil hindi sila nakakakain ng sapat na protein at kailangan nila ng iba pang bitamina. Ang pamilya ng mga batang nagkasakit ay hindi kayang bumili ng sapat na pagkain dahil ang trabaho ng kanilang magulang ay pagsisibak ng mga punong abaca at ang kinikitang sahod dito ay 80 pesos lamang. Sa maliit na sahod na ito, walang sapat na pagkain ang mabibili ng mga magulang.
Ang ibang nagtatrabaho sa pagsisibak ng mga punong abaca ay lalong naghihirap din tuwing pumapasok na sa eskwela ang kanilang mga anak. Hindi nila kayang bumili ng mga kwaderno at iba pang pangangailangan sa pag-aaral. Nakakakain lamang sila ng karne tuwing may okasyon, at nakakakain lang din ng bigas kapag may sobra ang sahod. Hindi lang sa pagsisibak ang mahirap sa trabahong ito kundi ang paghahatid nang walang wastong transportasyon ng mga nasibak na produkto roon sa pamilihan. Kahit gaano man kahirap ang pagsisibak ng abaca, ang ama ng mga bata ay nagsusumikap na mayroon sila ng wastong pagkain na makakain.
Ang buhay ay hindi madali at maraming mga pagsubok ang darating. Hindi rin lahat ng tao ay mayroong pareho ng pribilehiyo. Ang ating mga magulang ay nagsusumikap na maibigay ang lahat ng ating mga pangangailangan kaya dapat natin silang palaging pasalamatan. Dapat din tayong matutong magpahalaga sa mga taong manggagawa o trabahador na maliit lamang ang mga sahod ngunit grabe ang hirap sa pagtatrabaho, tulad lang ng amang nagsisibak ng abaca. Kung hindi dahil sa kanila, walang mapagkukunan ng mga materyales ang mga kompanya at pagawaan. Lalo na sa lahat, mas mabuting suportahan natin sila dahil hindi madaling magtrabaho ng mga trabahong iyon at hindi makakuha ng sapat na sahod para matustusan ang mga pangangailangan.

Comments
Post a Comment